Education on Wheels: Tugon ng PUP sa Aksesable at Kalidad na Edukasyon

Nina Allyza Estacio at Bryan Telan, Feature Department

Gasgas man ang kasabihan na “Edukasyon ang susi ng tagumpay” hindi natin maitatanggi ang katotohanan nito sa reyalidad. At sa bawat matatamis na panalo sa buhay ay naniningil ng pawis at paghihirap, kung kaya’t ang mga iskolar ng bayan ay dumadaan sa butas ng karayom para lamang maitawid ang kanya-kanyang pag aaral. Siyang sakripisyo ng mga magulang o mismo ng estudyante ang kapalit ng karunungan. 

Ngunit hindi rin lingid sa atin na ang edukasyon ay hindi lamang para sa kanilang may kwarta kundi isang karapatan ng bawat isa. Tinatayang pumalo ng 7.85 million ang populasyon ng mga kabataang hindi na nag aaral ayon sa Philippines Statistics Authority o PSA, noong akademikong taon na 2022-2023 mula sa edad ng 5 hanggang 24 anyos. Sa ganun kalaki na bilang, tiyak na hindi makapag ‘rest in peace’ si Rizal sa langit. Kung kaya’t kasabay ng pakikipagsapalaran ng mga iskolar, ang pag sigaw sa pantay, aksesable, at dekalidad na edukasyon.

Education on Wheels

Ang Polytechnic University of the Philippines (PUP) ay naglunsad ng isang makabagong inisyatiba na tinatawag na “Education on Wheels” upang tugunan ang mga nahihirapang makabalik sa pag-aaral. Layunin nitong maabot ang mga komunidad na hindi gaanong naaabot, lalo na ang mga may limitadong access sa teknolohiya at internet, gamit ang mga sasakyan na may dala-dalang edukasyonal na kagamitan at internet connectivity. Ang bus na ito ay may mga upuan, lamesa, at mga whiteboard na kayang paunalakan ang nasa 40-50 na nagnanais makapag-aral. Ito ay naglalakbay sa iba’t ibang barangay, nagdadala ng edukasyon sa mismong tahanan ng mga nais makisali.

Sa pamamagitan ng programa ng Education on Wheels (EOW), layunin ng PUP na malagpasan ang agwat sa teknolohiya sa pamamagitan ng pagbibigay ng access sa dekalidad na edukasyon sa mga nasa laylayan ng lipunan na mag-aaral sa kabila ng mga hadlang na dulot ng iba’t-ibang kadalihang hindi nila maiiwasan. Ang mobile bus ay may kagamitan tulad ng mga laptop, tablet, printer, at internet connectivity, na nagbibigay-daan sa mga mag-aaral na mag-access sa online na mga lecture, module, at edukasyonal na mga kagamitan. Bukod dito, may mga edukadong guro at boluntaryo na sumasama sa pag-iikot ng Education on Wheels, na nagbibigay ng tulong at naghahatid ng napapanahong aaral at nag-iiwan ng kahit papaano ay praktikal na lektura na ginagamit ng mga tao.

Base sa panayam ng isinagawang Press Release ni Angelo Acedera mula sa Communication Management Office ng Polytechnic University of the Philippines o PUP sa kanilang website, iilan lamang sila Alicia del Rosario-Mamorno at Rex Mandevil sa mga estudyante na bahagi ng EOW. Sa kanilang mga pahayag, ipinabatid nila kung gaano kahalaga ang ganitong oportunidad na nakapagbigay ng pagkakataong makapag-aral silang muli. 

Anila, sa ganitong paraan mas maihahasa nila ang dunong na mayroon sila sa pagbibigay serbisyo sa bayan, lalo na sa kaso ni Rex bilang isang aktibong volunteer. Parehas nilang inaasahan ni Alicia na mas mapalalawig pa ng EOW ang kanilang kapasidad hindi lamang sa karunungan, kundi mismo bilang isang indibidwal.

Kalsada bilang Silid-Aralan

Sabi ng nakararami ang pagkatuto sa buhay ay nasa kalsada at hindi lamang nanatili sa apat na sulok ng bawat kwarto sa paaralan. Maaring marahil ito sa katotohanang kapag ika’y nasa kalsada samu’t saring tao ang iyong makakahalubilo. Ang ating mga natutunan sa loob ng eskwelahan ay isa lamang pundasyon ng talino, ang husay ay nakasalalay na sa paggamit natin dito. Kung kaya’t sa kalsada, sa labas ng paaralan, iba ang mundo dito hindi lamang gawain ang mga pagsubok kundi parte na ang pakikipagsapalaran upang mabuhay.

Gaya ng nabanggit na bilang, marami na ang kabataang nahinto sa pag-aaral at sa labas, sa kalsada ang tungo upang magtrabaho na agad at kumita. Sa Education on Wheels, tila isa itong tulay na nag uugnay sa paaralan at kalsada. Hindi ito magiging posible kung wala ang tulong ng local government at sponsors nagsisilbing kaagapay ng sinta sa pagsasakatuparan ng inisyatiba, tulad na lamang ng kaso sa Brgy. Tatalon at Payatas.

Dito, ating makikita kung ano nga ba ang mga maari pang gawin ng gobyerno, lokal man o silang mas nakatataas sa kaso ng mga out of school youth dahil kung tutuusin ay kaya at kakayanin naman. Ang maiiwan na lamang na katanungan ay hanggang saan ang nais nilang gawing aksyon upang mapuksa at mabawasan ang nakababahalang bilang nito. Ito ay hamon sa kanila na mas lalo pang pagbutihin at ihain sa aming kabataan ang konkretong plano sa edukasyon. Dahil kung kaya ng PUP sa kabila ng kakulangan sa badyet at pondo, paano pa kung ang limpak-limpak na perang inilaan sa mga proyektong ‘confidential’ ay nagamit ng wasto?Ang makabagong paraan na ito ay hindi lamang nagpapadali ng distance learning kundi nagtataguyod din ng pakikilahok ng komunidad. Sa pagdadala ng edukasyon sa kanilang tahanan, nagtutulak ang programang ito ng pantay-pantay na pagkakataon at katatagan sa edukasyon, na nagtitiyak na walang mag-aaral ang maiiwan. Habang patuloy na pinalalawak at pinahuhusay ng PUP ang inisyatibang ito, nagsisilbing huwaran ito sa paggamit ng teknolohiya at pagkamalikhain upang malagpasan ang mga hamon sa edukasyon at itaguyod ang mas malawakang at abot-kamay na kapaligiran ng pag-aaral para sa lahat. Ika nga sa mantra ng pamantasang ito, Mula sa’yo, para sa bayan!

Leave a comment